Monday 21st of April 2014

logo

Home News Features Saan ang Kababaihan sa Tuwid na Daan?
Saan ang Kababaihan sa Tuwid na Daan?
argaiv1785
Monday, 23 July 2012 00:00
Saan ang Kababaihan sa Tuwid na Daan?
Batayang Serbisyo at Kalusugang Pang-Reproduktibo: Ipatupad na!

FDC Women’s Committee Statement, Martsa para sa Alternatibong Ekonomiya, 23 Hulyo 2012

Members of Freedom from Debt Coalition - Women's Committee (FDC-WC) join the 7,000-strong protest during the 3rd State of the Nation Address of Pres. Benigno S. Aquino III.Members of Freedom from Debt Coalition - Women's Committee (FDC-WC) join the 7,000-strong protest during the 3rd State of the Nation Address of Pres. Benigno S. Aquino III.Sa Hulyo 23, 2012, magbibigay ang Pangulong Benigno Aquino III ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) niya.  Pang-ilang SONA na ni PNoy ito, subali’t  hindi kayang maipagmalaki ng pangulo na natupad na ang pangako sa kampanya pa lang niya para sa pagkapangulo-- ang pagpapapasa ng Reproductive Health Bill (HB 4244) bilang batas.

Umasa  kaming kababaihan sa pangakong ito.  Ilang taon, at ilang session ng kongreso, na rin kaming nangampanya at nagpabalik-balik sa kongreso para ipaglaban ang karapatang pangkalusugan ng kababaihan sa pamagitan ng panukalang batas na ito.

Di namin inakalang magtatagal ang pagpasa nito bilang batas .  Katwiran namin, ang Reproductive Health ay bahagi naman ng napakarami nang mga International Covenants kung saan lumagda at nagdeklara ng commitment ang Pilipinas.  Nariyan ang:  International Covenant on Economic and Socio-Cultural Rights (IESCR, 1966); Convention on the Elimination of DBiscrimination Against Women (CEDAW, 1984); Beijing Platform for Action (BPfA, 1995); at International Conference on Population and Development (ICPD, 1994); at ang pinakahuli na nga ay ang kakapasa lamang na Magna Carta of Women (MCW, 2009).   Lahat ng ito  nag-oobliga sa mga gobyernong lumagda na tiyakin ang sa serbisyo sexual at reproduktibong kalusugan, kasama na ang family planning.

Naninindigan ang FDC Women’s Committee, sampu ng iba pang progresibong kababaihan, na ang pagkilala ng karapatang reproduktibong pangkalusugan ng kababaihan ay esensyal sa pagtitiyak ng kagalingan ng kababaihan sa pisikal, politikal, ekonomiya, socio- cultural na aspeto ng kanyang buhay.

Kawalan ng Karapatan sa Kalusugang Pang-Reproduktibo ng Kababaihan     

Ang hindi pagkilala sa karapatang pangreproduktibo ay malaking balakid sa pagkamit ng pang-ekonomiyang empowerment ng kababaihan.   At nauuwi sa pagkasawi ng maraming kababaihan,nagpapatuloy na mataas na maternal mortality rate sa mga bansang patuloy na nagkikibit balikat dito.  

Ang Pilipinas ay kasama sa ilang bansa sa Gitnang Asya na may sobra pa sa 100 maternal mortality rate (MMR).  Tayo ay may MMR na 162, kung saan 12 na kababaihan ang namamatay araw-araw mula sa komplikasyon ng panganganak katulad ng hemorrhage, hypertensive diseases, obstructed labor at problema sa pangnganak na kung tutuusin ay magagamot naman kung may sapat na pagtugon sa maternal health.  

Ang kawalan ng kababaihan ng karapatang magpasiya para sa kanyang katawan ay dagdag lang sa napakaraming anyo ng diskriminasyon  sa kababaihan, tulad nang sa ekonomiya at trabaho.  Bagamat isinasaad sa batas ang pantay na karapatan ng babae at lalaki sa usapin ng oportunidad ng pagtatrabaho, pasweldo, proteksyon sa diskriminasyon sa hiring, nananatili pa rin ang mga balakid sa partisipasyon ng kababaihan.  Makikita  din ito sa kanayunan--  sa access at pagmamay-ari ng lupa, bahay at iba pang rekurso, pagsasanay at pag-unlad, at partisipasyon at paggawa ng desisyon sa usaping trabaho at ekonomiya. Noong 1998-2008 ang agwat sa partisipasyon ng kababaihan sa lakas paggawa ay 30%, pabor ng kalalakihan.  Bagamat may pagtaas kumpara sa ibang taon nanatiling mas mababa ang LPFR ng kababaihan (49.6%) habang ang sa kalalakihan ay (78.6%).  (Department of Labor, 2010)      

Kawalan ng Access sa Batayang Serbisyo ng mga Kababaihan

Sa usapin naman ng batayang serbisyo, matagal-tagal na ang pagpapabaya ng gobyerno sa kanyang obligasyon sa mamamayan lalo’t higit sa mga kababaihan.  Ang mga batayang serbisyo katulad ng sapat at murang pagkain, mababa at sapat na kuryente, malinis na tubig, disente at abot-kayang pabahay, libreng edukasyon at unibersal na pangkalusugang serbisyo--  lahat ng ito’y bahagi ng para sa pagtiyak ng kagalingan at buhay ng mamamayan at lipunan.  Kapag ang pamahalaan ay nagkukulang o nagpapabaya sa pagtitiyak ng mga batayang serbisyong ito, nadadagdagan ng sampung beses ang pasan-pasan ng kababaihan sa araw-araw na pangangalaga niya sa pamilya, lalo sa mga kabataan.  Ang batayang serbisyo sa edukasyon, kalusugan, pabahay, gayundin ang pagtitiyak ng abot kayang pagkain para sa lahat ay bahagi ng panlipunang reproduksyon.  Obligasyon ng pamahalaan ang paglaanan ng programa’t rekurso ang mga ito para sa kagalingan at buhay ng mamamayan.

Kamakailan ay napabalitang may kakayanan ang gobyerno na magpautang ng isang bilyong piso para itulong sa naghihirap na bansa sa Europa. Nakakagulat ang pagpapasikat na ito sa mga dayuhan samantalang may pagkakautang naman siya sa sa mamamayan na umaabot na sa trilyong piso, sa loob ng 10-taon:
  • Edukasyon – P 3.56T pagkakautang ng gobyerno dahil wala pa 6% ng GDP ang inilalaan nilang pondo sa edukasyon na siyang pandaigdigang istandard nang dapat inilalan sa edukasyon alinsunod sa UNESCO;
  • Kalusugan – P 4.8T pagkakautang ng gobyerno dahil nananatiling wala sa 5% ng GDP ang inilalaan sa taunang badyet alinsunod sa WHO istandard;
  • Pabahay – P1.43T ang pagkakautang ng gobyerno sa pabahay kung ang pagbabatayan ang 1M housing unit backlog nito. Sa kasalukuyan wala pa sa 1% (.086) lamang ng GDP ang inilalaan ng gobyerno sa serbisyong pabahay sa bansa.  
Sa tatlo pa lamang na batayang serbisyo ay makikita nating malaki ng pagkakautang ng gobyerno sa mamamayan.  Ang dahilan nito ay ang maling pagpaprayoridad ng gobyerno sa kanyang obligasyon. Taun-taon 45% ng kabuuang badyet nito ay inilalaan sa pagbabayad ng utang (interes at prinsipal). Sa kasalukuyan, mahigit P 4.7 trilyong piso ang ibinabayad ng gobyerno sa ating pagkakautang. Katumbas ang halagang ito ng 64% ng GDP ng bansa. Kung ilalaan ito sa serbisyong panlipunan tiyak na uunlad ang ekonomiya at mamamayan.  

Taun-taon lumalaki ang badyet ng gobyerno ngunit patuloy din ang pagplaki ng utang nito sa mamamayan bunga ng maling prayoridad ng gobyerno sa pagbabayad ng utang sa halip ng pagbibigay ng batayang serbisyo. Sa halip na utang sa panlipunang serbisyo mas utang sa mga kapitalista’t bangko ang inuuna ng gobyerno. Dahil dito patuloy ang kahirapan at kagutuman ng maraming mamamayan at kababaihan sa ating bansa. Ito ang panlipunang utang ng gobyerno na dapat na niyang bayaran sa kanyang mamamayan.

Masaklap pa nito ay taun-taon tayo ang pinapatawan ng buwis na sa tuwina naman ay walang ibinabalik na sapat na serbisyo sa mamamayan ay malinaw na patunay na tayo ang may pagpapautang sa inutil nating gobyerno. Kung kaya’t marapat lamang na sila -- ang Gobyerno ang dapat nating singilin.  

Sa kalagayang patuloy ang kahirapan sa ating bayan at lumalaki ang bilang ng mga naghihikahos habang lumalala ang tantos ng kagutuman sa bansa, marapat lamang na hilingin at singilin ang gobyerno sa kanilang malaong pagkakautang sa mamamayan.

Sa Pagkakautang na Ito ng Gobyerno – Kababaihan ang Pumapasan

Ang pangangalaga at pagkalinga ng pamilya ay may dalawang mukha para sa kababaihan  bilang pribelehiyo at pasanin.  Kapag itinatanggi ng gobyerno ang kanyang obligasyong sa pagbibigay ng batayang serbisyo sa kanyang mamamyan sa pamamagitan ng pribitasyon; kawalan ng maayos regular, permanente at sahod na nakabubuhay ng pamilya; samantalang patuloy ang deregulasyon ng presyo ng pangunahing bilin – kababaihan ang pumapasan.  

Sa pagsiguro na may maayos na edukasyon ang mga batang nasa pangangalaga niya, may tirahan kahit na walang kasiguruhan ang stado ng kanilang pabahay, may access sa kuryente kahit mahal; at siguruhing may makakain kahit papapaano; babae ang pumapasan ng karagdagang trabaho para sa kita; pangungutang sa kamag-anak, kakilala at kahit ang pagpatol sa 5-6.  Ilan pa lang yan sa sa sakripisyo ng kababaihan para sa pamilya ang iba pa ay ang pagsantabi ng personal niyang pangangailangan at kalusugan; at pagbabawas ng oras sa pagpapahinga at kawalan ng oras na para sa pagpapaunlad ng sarili.

Ngayong nagpapatuloy ang krisis na may partikular na bigat sa kababaihan tila inutil ang gobyerno na proteksyunan ang mamamayan. Marapat lamang na SINGILIN NA ang gobyerno partikular ang administrasyon ni PNoy sa kanyang pagkakautang. Kung nagawa nitong magpasikat at tumulong sa dayuhan kilalanin na rin niya ang matagal na pagkakautang sa mamamayan lalo na sa ang utang sa kababaihan.  Sigaw ng kababaihan:


Batayang Serbisyo at Kalusugang Pang-Reproduktibo: IPATUPAD NA!

Ibasura ang NEO-LIBERALISMO! Ipaglaban ang trabaho, pagkain pabahay at serbisyo!

Karapatan at Hustisya para sa LAHAT!

Bagong Landas ng Pagunlad:  Kaunlaran para sa LAHAT!


Freedom from Debt Coalition (FDC) – Women’s Committee
23 Hulyo 2012
 

Powered by Joomla!. Designed by: free domain hosting domain name search Valid XHTML and CSS.