NARANASAN MO NA BANG MAHOLDAP? Na matapos kuhanin ang kakaunti mong pera, naglakad lang palayo ang holdaper? Ang mas masakit, may pulis sa di-kalayuan at nakatingin sa ibang direksyon?

Ganyan ang EPIRA, parang holdaper lang.

Bago ito isinabatas ni Gloria, P5 kada kilowatt-hour lang ang presyo ng kuryente. Makalipas ang 12 taon, halos P11/kWh na ito. Dahil sa pera-pera, este EPIRA, ang Pilipinas na ang may pinakamataas na residential rate at pangalawa sa industrial rate sa Asya. Bongga! Third World country na may First World electricity rates. Palakpakan!

Ang EPIRA ang batas na nagsapribado ng industriya ng kuryente. Halos naibenta na ang lahat (90%) ng generation plant, maging ang transmission grid, ng gobyerno, pero hindi man lang nabawasan ang utang ng NAPOCOR – mula $16.3 bilyon noong 2001, ngayon ito ay halos $17 bilyon na.

Corporate Greed

Sabi ng mga nagtulak nito – gaya ng World Bank, Asian Development Bank at ilang malalaking negosyante – wala daw dapat papel ang gobyerno sa industriyang ito. Anila, mga pribadong korporasyon ang dapat magpatakbo at hayaan ang merkado na magdetermina ng presyo. Nawala nga ang monopolyo ng gobyerno, nagkaroon naman ng oligopolyo.

Ang oligopolyo ay isang estado na may limitadong kumpetisyon, na kung saan ang merkado ay pinaghahatian ng kakaunting manlalaro. Sa Pilipinas, ang merkadong ito ay pinaghahatian lamang halos ng limang oligarkiya – Aboitiz, Lopez, Danding Cojuangco, Henry Sy at Manny Pangilinan. Sila ang Voltage 5 (hindi Voltes 5) na kumukuryente sa ating lahat.

Upang hindi na lumala ang kagahaman ng iilang korporasyon na nasa industriya ng kuryente, nararapat lamang na gawin ng gobyerno ang mga sumusunod:

• Baklasin ang ang cross-ownership o sabayang pag-aari ng generation plant at distribution utility upang matigil ang pagbibigay-prayoridad ng isang distribution company, gaya ng MERALCO, sa pagbili ng kuryente mula sa sarili nitong IPP o independent power producer kaysa sa mas mababang halaga na makukuha sa NAPOCOR o ilang generation company;

• Ibalik sa pag-aari ng gobyerno ang Transmission Grid. Sa kasalukuyan, ang may-ari nito ay si Henry Sy (ng SM) at ang State Grid of China. Isang pindot lang sa switch, blackout sa buong Pilipinas. Malinaw na may national security problem tayo dito;

• Itigil na ang planong pagsasapribado ng natitirang planta ng kuryente gaya ng Agus-Pulangi hydropower complex na nagbibigay ng napakamurang kuryente sa Mindanao, at contracted capacity ng ilang generation plant; at,

• Rebisahin at ipawalang-bisa ang mga kontrata sa ilang independent power producer (IPP contracts) na mapatutunayang taliwas sa interes ng mga mamamayan. Dahil sa mga provision sa kontrata, gaya ng “take or pay,” “fuel cost recovery” at “exchange rate recovery,” lumalaki ang gastos at utang ng NAPOCOR na kalaunan ay ipinapasa sa mga konsyumer.

Regulatory Capture

Nagaganap ang “regulatory capture” kapag ang isang ahensiya ay itinayo para  pangalagaan ang interes ng publiko, ngunit ang isinusulong nito ay ang interes ng mga korporasyon na dapat niyang i-regulate. Ganyan ang nangyayari sa Energy Regulatory Commission o ERC – walang kwenta.

Anu-ano nga ba ang kayang gawin ng ERC upang manatiling serbisyo publiko at mapababa ang presyo ng kuryente?

• Ibalik ang 12% return on rate base (RORB) na maximum na kita ng mga kumpanya mula sa performance base rate (PBR) na umaabot sa 15% hanggang 28% ang kinikita ng mga pribadong kumpanya. Patunay ito na “tubo” at hindi serbisyo publiko ang motibasyon ng mga ito;

• Itigil na ang “indexation” o pag-angkla ng presyo ng natural gas sa pandaigdigang presyo ng langis, at geothermal steam sa coal. Bukod sa mas mataas ang presyo ng langis at coal, vulnerable pa ang mga ito sa pabagu-bagong presyo sa world market;

• Itigil ang pang-aabuso ng mga kumpanya sa “systems loss.” Matatanggap pa natin kung nasa 3% hanggang 5% lamang ang systems loss o kuryenteng nawawala habang tumatakbo ito sa transmission at distribution lines. Ngunit napatunayan na umaabot mula 9% hanggang 14% ang systems loss ng ilang pribadong kumpanya dahil pati ang konsumo sa kuryente ng kanilang kumpanya ay dito nila ikinakarga; at,

VAT

Malaking kabawasan sa pahirap na presyo ng kuryente kung maiaalis ang 12% value-added tax o VAT dito. Mantakin mo, pati ang systems loss na hindi natin nagamit, sinisingil ng VAT.

Bukod sa mga ito, nararapat lamang na suspindihin ng gobyerno ang operasyon ng wholesale electricity spot market o WESM na napatunayan na may manipulasyon sa presyo ng kuryenteng ibinebenta dito. Sa kakaunting manlalaro, kayang-kaya nilang paglaruan ang presyo ng kuryente.

TAMA NA! PALITAN NA ANG EPIRA!
SERBISYO PUBLIKO, HUWAG GAWING NEGOSYO!

Download the Flyer here.

FDC Chapters

chapters