Kamtin ang Pang-ekonomiyang Katarungan ng Kababaihan

Nakikiisa ang FDC Women’s Committee sa iba’t ibang organisasyon at kilusan ng kababaihan na nakikibaka upang makamit ang karapatan sa pagkain at mapangalagaan ang interes ng nakararaming prodyuser ng pagkain sa buong mundo – ang mga kababaihan.

Ang karapatan sa pagkain ay bahagi ng ating mga karapatang pantao. Ayon sa ating pamahalaan, sapat ang produksyon ng ating mga pangunahing pagkain. Subalit bakit marami pa rin sa ating mga kababayan lalo na ang mga bata at kababaihan ang nagugutom? Maraming bilang ng kababaihan ang nakakaranas ng malnutrisyon. Ang mga kababaihang buntis ay hindi nabibigyan ng sapat na pagkain at mga bitamina para sa malusog na pagdadalantao at panganganak.

Hindi na makayanan ng mga kababaihan sa kanayunan at higit sa lahat ng mga kababaihan sa maralitang taga-lungsod ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin. Sabayan pa ng pagtaas ng kuryente at tubig kaya lalong hindi na makayanan ng mga kababaihan na mabigyan at malagyan ng sapat at masustansyang pagkain ang kanilang hapagkainan.

Nagbigay ang ating gobyerno ng programang 4P’s (Pantawid Pamilya Pangkabuhayan Programa) para sa mga mahihirap na pamilya o indigent, pero sapat ba talaga itong pantawid gutom sa ating mga kababaihan at kabataan? Natugunan ba nito ang mga kakulangan sa pagkain at malinis na tubig na inumin?

Hindi lang pagkain ang sinasaklaw ng karapatang ito kundi pati na rin ang malinis na tubig na inumin. Hanggang sa kasalukuyan mayroon pang 15.73 milyong kababaihan na walang akses sa malinis na inumin. Kamakailan lamang tumaas muli ang presyo ng tubig sa Kamaynilaan. Sa ilalim ng pribatisasyon na itinataguyod ng pamahalaan, ginagawang kalakal at pinagkakaitaan ang tubig sa halip na tiyakin ang suplay at kalidad nito, bilang serbisyo sa mga mamamayan.

At dahil na rin sa pagdating ng mga kalamidad sa ating bansa ay kontaminado na ang ating mga tubig, kung kaya’t maraming mga kababaihan at kabataan ang nagkakasakit na nagiging sanhi ng kanilang maagang pagkamatay. Lalong madadagdagan ang mga balakid sa pagtamasa ng mga kababaihan ng kanilang batayang karapatan sa pagkain at sa kalusugan.

Isang susing sagot sa di-makatarungang kalagayang ito ay ipaglaban at tiyakin ang karapatan ng mga kababaihan bilang mga prodyuser ng pagkain at bilang mga manggagawa, sa pormal man o di-pormal na larangan ng paggawa. Nanatiling malawak ang kawalan ng sariling lupa ng mga kababaihan at akses sa iba pang rekurso sa paggawa at produksyon. Bagamat milyon-milyon ang halaga ng ambag nila sa kabuuang produksyon ng pagkain, hindi sila kinikilala bilang mga magsasaka kundi mga katulong ng (lalaking) magsasaka lamang, kaya’t pangkaraniwan nang hindi binabayaran ang lakas-paggawa ng kababaihan. Katulad din ito sa pagtingin na katulong lang sa bahay ang mga kababaihan at walang nililikhang serbisyo at produkto sa maghapon nilang pagtrabaho sa gawaing pag-aaruga at pagkalinga sa pamilya, komunidad at lipunan.

Ang paggunita ng pandaigdigang krisis sa pagkain ay hindi lamang pagkakataon upang palakasin pa ang laban para makamit ang ating karapatan, kundi okasyon din upang pahigpitin, palawakin ang laban tungo sa pagsasaktuparan ng pangekonomiyang kapangyarihan ng kababaihan.

Mabuhay ang mga kababaihang prodyuser ng pagkain at mga babaeng manggagawa sa kanayunan at sa agrikultura!Pang-ekonomiyang katarungan ng kababaihan – ipaglaban, isakatuparan!


Freedom from Debt Coalition (FDC) Women’s Committee
Oktubre 2012

FDC Chapters

chapters