IMG 0915

Ayon sa pantas na si Mahatma Gandhi, kahirapan ang pinakamalalang tipo ng karahasan. Ang dating Pangkalahatang Kalihim ng United Nations na si Kofi Annan ay nagpahayag din na sa tuwing tayo ay may naiaahon sa kahirapan ay naipagtatanggol natin ang karapatang pantao; at kung magiging bigo tayo sa misyong ito, hindi natin tinutupad ang karapatang pantao.

Batid nating lahat ito. Sa katunayan, palagiang layunin ng mga pandaigdigang kasunduang tulad ng papatapos na Millenium Development Goals at magsisimulang Sustainable Development Goals na wakasan ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay. Sa mga kasunduang ito at ano mang alinsunod na lokal at pambansang programa, sentral na usapin ang paglalaaan ng budget at paghahagilap ng pondo para rito. Kaya’t malimit nating binubisisi ang pagpapataw ng buwis, ang pambansang budget at paggasta nito sapagkat sinasalamin nito ang tunay na prayoridad ng gobyerno.

Matagal na nating iginigiit ang isang progresibong sistema sa pagbabayad ng buwis at makatarungang paggasta ng pamahalaan. Alinsunod sa laki ng kinikita ang halaga ng buwis na binabayaran at gagamitin ang malilikom na pondong ito upang tiyakin ang pampublikong serbisyo lalo na sa mga mahihirap.

Ngunit hanggang ngayon, sa likod ng matatamis na pangako, mapait ang katotohanang pilit na pinabubulaan ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon. Paulit-ulit tayong binibigo ng mga humahawak sa kaban ng bayan. Sa halip na masugpo, umakyat pa ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa kahirapan mula 24.6 porsyento ng populasyon noong 2013 papuntang 25.8 porsyento nitong nakaraang taon. Ginagawang kontraktwal ang trabahong regular. Tinitipid ang pa-sweldo at benepisyo ng mga manggagawa at mas madalang pa sa pagbuo ng quorum sa Kongreso ang umento sa sahod.

Patuloy ang pagsasapribado ng mga pangunahing serbisyo—sa tubig, kuryente, transportasyon at kalusugan—na nauuwi lang sa hindi mapuknat na pagtaas sa presyo ng mga ito at lumolobong pribadong utang na ginagarantiyahan ng pamahalaan. Garantisado ang kita at utang ng pribadong korporasyon at kinukuha ito sa bulsa ng mamamayan.

Sa panukalang budget para sa 2016, may inilaan ang gobyerno na 30 bilyong piso para sa Risk Management Program o Contingent Liability Fund bilang pangsalo sa pangbayad sa utang ng mga pribadong korporasyong kasama sa iskemang pribatisasyon (Public-Private Partnership o PPP). Pansinin ang baluktot na pagpataw ng buwis ng pamahalaan, may P37 bilyon taun-taon na hindi kinokolekta mula sa mga malalaking kapitalista dahil libre sila sa pagbabayad ng buwis sa loob ng apat hanggang walong taon. Samantala, nanghihinayang ang administrasyong Aquino sa P30 bilyon na mababawas sa koleksyon ng BIR kung itatama sa kasalukuyang panahon ang buwis sa sahod.

Ipinagyayabang ni Aquino na lumalaki ang budget para sa serbisyong panlipunan at pang-ekonomiya ngunit halatang palabas lang ang lahat. Malaki ang hindi nagagasta rito. Tinatayang umaabot sa mahigit 500 bilyong piso ang hindi nagasta ng pamahalaan mula 2010 hanggang sa kasalukuyang taon.

Bukambibig ni Aquino ang pagsusulong sa interes ng taumbayan. Ngunit nasaan ang katuparan ng layuning sugpuin ang kahirapan at inekwalidad tungo sa katuparan ng karapatang mabuhay ng may dignidad? Sinagasaan ng huwad na “Tuwid na Daan”. At tulad ng dati, naghihintay na muling angkinin at ipaglaban ng tunay na magsusulong nito: ang taumbayan.

Katarungan sa Buwis at Patakarang Piskal!

Maginhawang Buhay na May Dignidad, Karapatan ng Mamamayan!

Wakasan ang Elitistang Paghahari!

Isulong ang Tunay na Gobyerno ng Mamamayan!

FDC Chapters

chapters