Upang maningil sa mga pangakong napako ng administrasyong Aquino, libu-libong rallyista ang muling susugod ngayon sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa House of Representatives sa Batasan, lungsod ng Quezon.

“Hindi tayo bulag. Batid natin ang katotohanan. Bistado na ng marami ang mapanlinlang na pangakong pag-unlad sa pamamagitan ng Tuwid na Daan. Maka-elitista, neoliberal at tanging mga mayayaman ang nakinabang sa ipinagyayabang na pag-usad ng ekonomiya,” pahayag ng Freedom from Debt Coalition (FDC).

Ang maling patakaran at sistemang ito, ayon sa grupo, ang dahilan kung bakit kahit na bilyun-bilyong piso ang ginasta sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino o Conditional Cash Transfer ay patuloy at lumalala ang kahirapan at di-pagkakapantay ng kalagayan ng mga mamamayan.

 

“Mismong opisyal na datos na ang nagsasabi: kumpara sa dating 24.6% noong unang kwarto ng 2013, umakyat sa 25.8% mula Enero hanggang Marso 2014 ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa kahirapan. Naburang lahat ang anumang ipinagmalaki noong 2010 na pag-usad sa pagsugpo sa kahirapan,” diin ng FDC.

Matatandaan na marami ang umasa at tumaya sa kandidatura ni PNoy noong eleksyon ng 2010 dahil sa mga pangako nitong pagbabago at pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mamamayang Pilipino na karamihan ay mahihirap.

Mistulang isang “tagapagligtas” ang papel na nais gampanan ni PNoy pagkatapos ng anila’y bangungot na dulot ng nakaraang administrasyon ni Gloria Arroyo. Gamit ang islogan na “walang mahirap kung walang korap” at pagturing sa mga mamamayan bilang kanyang “Boss” agad na nakipagpirmahan ng isang Social Contract si PNoy.

“Muli tayong nabiktima ng pagtataksil at pagkakanulo. Muli’t muli tayong mabibigo hanggang hindi nababago ang kasalukuyang sistema at ang nakaupo sa pwesto ay nagtataguyod sa interes ng mga elitista at dambuhalang korporasyon,” sabi ng FDC.

Iginiit ng grupo ang pagtataguyod ng isang gobyernong maka-mamamayan at maka-kababaihan upang solusyunan ang malawakang kahirapan at inekwalidad sa bansa.

Sa isinulat nitong pahayag, inilitanya ng FDC ang mga naisagawa ng rehimeng Aquino na walang ipinagkaiba sa mga nauna pang administrasyon. Lumobo ang utang ng Pilipinas mula P6.57 trilyon noong 2010 hanggang P7.46 trilyon noong Hunyo 2014, na nadagdagan pa ng kabi-kabilang pangungutang kasama ang P2.9 bilyon para sa rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.

Dagdag pa ng FDC, pinaarangkada ni PNoy ang pribatisasyon at nagdulot ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa tubig, kuryente, transportasyon, edukasyon at kalusugan.

“Para tugonan ang pangangailangan natin sa kuryente, agresibong itinutulak ng gobyernong Aquino ang marurumi at mapanganib na enerhiya kaya imbes na tumulong sa pagsawata sa krisis sa klima ay nagdaragdag pa ito sa patuloy na pagkawasak ng kalikasan at pag-init ng ating mundo,” sabi ng FDC.

Samantala ay makupad ang naging pagtugon sa sektor ng paggawa kaya bahagya lang bumaba sa 2.6 milyon mula sa dating 2.8 milyon ang bilang ng mga walang trabaho. Kakarampot ang P99 na dagdag-pasahod na ipinatupad ng gobyerno at patuloy ang kontraktwalisasyon at kawalan ng seguridad sa trabaho.

“Nanlupaypay ang mga sektor ng agrikultura at industriya na dapat sanang pangunahing lilikha ng mga bagong trabaho at yaman ng bansa. Sa halip na suportahan ang mga sektor na ito, mas pinili ng administrasyong Aquino na umasa sa biyayang dulot ng mga “call center” at bilyun-bilyong dolyar na padala ng mga OFW. Patuloy din ang pangungutang nito upang pondohan ang kakulangan sa pambansang budget ng bayan,” paliwanag ng FDC.

Tuluyan ding pinatay ni Aquino ang repormang agraryo ng hindi natatapos ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo. Namaniobra rin ang datos upang palabasing maganda ang naging resulta ng programa. At walang naging aksyon sa nagaganap na malawakang land conversion at pagkakansela sa mga nakatakdang pagbibigay ng lupa.

Ayon pa sa FDC, ang paglabag sa karapatang pantao, lalo na sa ekonomiko-sosyal at pangkulturang karapatan ay patuloy na lumalala sa gitna ng laganap at papatinding kahirapan at inekwalidad. Sa hanay ng mga naunang kasapi ng ASEAN sa rehiyon, Pilipinas ang nagtala ng pinakamalalang paglabag sa karapatang pantao.

“Bigo ang administrasyong Aquino na wakasan ang kultura ng walang pananagutan at katarungan sa mga “extra-judicial killing” at iba pang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ng FDC.

Hanggang ngayon ay limang kaso pa lang ang naatupag ng nilikhang “super body” na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Samantala, ang National Human Rights Action Plan na tatlong taong pinaghirapan ng mga organisasyong nagsusulong ng karapatang pantao ay isinantabi lang ng gobyerno at ng Commission on Human Rights. At sa kabila ng pagkakaroon ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Law noong 2012, patuloy pa ring tumaas ang bilang ng mga desaparecidos.

“Hindi na mapagtakpan maging sinumang tagapagtanggol ng rehimen ang kasinungalingang pag-unlad at paglago ng kabuhayan At ang bangungot na ito ay paulit-ulit na magaganap hanggang nanatili ang elitistang paghahari at hanggang walang saligang pagbabago ang kasalukuyang sistema,” pagtatapos ng FDC.

 

 

FDC Chapters

chapters