Ngayong araw, tayong mga kamag-anak, kaibigan, mahal sa buhay at mga nakaligtas sa pananalanta ng Yolanda – ay muling nagtitipon-tipon sa Araw ng Undas, halos dalawang taon mula ng hagupit ng Yolanda. Ngayong araw ng Undas, hindi lamang tayo nagtitipon upang gunitain at ipagdasal ang mga nasawi noong Yolanda. Nilulunsad natin ngayon ang pagluluksa at panawagan ng hustisya – ang Luksang Bayan upang patuloy na isigaw , hindi lamang hustisya para sa mga Biktima ng Yolanda, kundi para na rin sa Bayan!

Ang trahedya ng Yolanda, ay repleksyon ng historikal at panlipunang trahedya ng ating bayan – ang laganap na kahirapan, inekwalidad at katiwalian na pinamumunuan ng gobyernong manhid at walang pakialam sa kapakanan ng mamamayan, ng gobyernong trapo at elitista –- ng gobyerno ng iilan. Ang gobyernong Aquino na niluklok sa pwesto sa islogan ng “Tuwid na Daan” at nagsasabing ang mamayan ang tunay na “Boss” nito -- ay siyang gobyernong inutil, makupad at walang malasakit sa kapakanan ng taumbayan.

Tacloban.nov.2015 201

Ipinamalas ng karanasan natin noong Yolanda – na ang pinakatinamaan ng hagupit ng super-bagyo, ay ang mga kababayan nating nagtiis na ng kahirapan, at pagdarahop. Sila ang mga nakatira sa mga barung-barong sa gilid-dagat at isang-kahig-isang tuka ang pamumuhay araw-araw. Sila ang pinakamarami sa naitalang mga namatayan at nawalan – dahil sila ang pinakabulnerable at walang kalaban-laban sa hagupit ng makapangyarihang unos dulot ng Climate Change. Kung ang ating lipunan at bayan ay isang makatarungan at may pagkapantay-pantay at kinakalinga ng gobyernong tunay na may malasakit sa nakararami – naiiba sana ang naging resulta ng epekto ng Yolanda: mas marami sana ang ating kababayan ang may binalikan pang mga bahay at ari-arian dahil tinamasa nila ang programang pabahay na kumakalinga sa mahihirap at nagkakanlong sa kanila sa mas matibay na silong at sa mas ligtas na lugar. Hindi sana nagtiis ng gutom at uhaw ang pamilya ng mahihirap, dahil kung maayos ang kalagayan nila, nagkaroon sila ng kakayanang maghanda at mag-imbak para sa pangangailangan ng kanilang pamilya sa panahon ng sakuna.

Ang kalagayang dusta ng karamihan ng ating kababayan sa mga komunidad na tinamaan ng Yolanda – ang nagbulid sa kanila sa unahan ng panganib at kapahamakan. Walang-wala na nga bago, lalong lumala ang kaapihan at pagdurusa pagkatapos ng Yolanda.

Ang programa sa “relief reconstruction” ng pamahalaan ay malinaw na ngayong katiting at mabagal ang pag-abot sa mga mas nangangailangan. Marami sa mga kababayan natin ay halos walang natanggap na sapat na tulong mula sa gobyerno – lalo na ang mga nasa libib at pinakamahirap na mga komunidad. Batbat ng mga kaso ng anomalya, pagwawaldas, pagnanakaw ng pondo, donasyon para sa mga biktima ng Yolanda ang programang tulong ng gobyerno ay hindi malinaw na naiimbestigahan at halos walang nasingil at napaparusahan. Higit sa lahat, ang kalakhan ng pondo para sa rekonstruksyon ng Yolanda ay nanggaling sa utang panlabas na papasanin mismo ng mamamayan. Sa tinatayang P170 bilyon na kailanganin sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng Yolanda, P126.183 B nito ay utang na babayaran ng buwis natin. Tayong mamayan, at hindi sinuman ang gumasta ng sarili nating rekonstrukson sa Yolanda!

Ang badyet ng gobyerno ay ilang ulit na sapat sana sa pangangailangan para sa pagbangon ng kababayan nating nasalanta – kung inilaan ito sa kapakanan ng mamamayan, imbes para sa bayad-utang. Mula 30%-50% ng taunang badyet ay napupunta lang sa bayad-utang, na karamihan nito ay tadtad ng anomalya, ninakaw at winaldas, at halos hindi napakinabangan ng mamamayan. Noong 2014 halimbawa, P377.6 B o higit sa doble ng P170 B badyet para sa Yolanda “reconstruction” – ay inilaan lamang para pambayad-utang, mula sa P2.265 trilyon na pambansang badget!

Dalawang taon pagkaraan ng Yolanda. Bumalik na sa kanilang barung-barong ang mga nag-ebakwet at nasalanta, ngunit ang karamihang naninirahan sa tabing dagat ay tinataboy sa mga “ resettlement shelters” na kasing rupok ng kanilang bahay na nasira, walang ilaw at kuryente, masikip at mainit, at malayo sa kanilang mga trabaho’t kabuhayan. Ang ilan sa kababayan natin ay patuloy na naghihintay at umaasa sa Emergency Shelter Assistance (ESA) na matagal dumating, batbat ng mga iregularidad at hindi alam kung kelan ipapamahagi sa maraming komunidad. Tinalaga nang “off-limits” ang baybayin ng Tacloban at mga karatig- bayan dahil itatayo na daw ang “high-tide embankment” para pananggalang sa darating na mga “storm surge” at baha. Ngunit hindi man lang nakonsulta ang mga apektadong komunidad at malinaw na naihanda ang mga alternatibang tirahan at kabuhayan para sa kanila, sakaling kailangan na silang tuluyang ilikas.

Karamihan sa mga apektadong komunidad at mahirap na kababayan natin ay balik sa dating-gawi: bana’t buto at kayod –kalabaw para maitawid ang pamilya at pang-araw-araw na pangangailangan.

Dalawang taon pagkaraan ng Yolanda: patuloy nating sinisigaw – tuloy ang laban! Hustisya sa mga nabiktima ng Yolanda! Hustisya para sa mamamayang api at dusta.

Fara Diva Gamalo
Secretary General, Freedom from Debt Coalition – Eastern Visayas (FDC- EVis)
Mobile Number: 0905 711 2370 / 0930509 4221

Larry Pascua
Coordinator, Philippine Movement for Climate Justice
Mobile Number: 0905 205 0031

 

Tacloban.nov.2015 196

FDC Chapters

chapters