Bistado na ng mga kababaihan ang Gobyernong Aquino!

Hindi na mapagkakaila ang tahasang paggamit nito sa kababaihan bilang “panapal” sa loob ng  kanyang programang pang-ekonomiya. Itinuring ang kababaihan bilang pang-ekonomikong kasangkapan (o economic asset) sa isang neoliberal na adyendang nagsisilbi sa interes lamang ng mga higanteng negosyo at elitistang paghahari. Ito ay isang kalakaran na nagpatibay sa pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon na lalo pang nagpabigat sa pasanin ng kababaihan. Higit nitong nilubog ang mga kababaihan sa kahirapan at pinalala pa ng husto ang dati nang bulnerableng kalagayan nito.

Ang kababaihan ay pagod na sa mga kasinungalingan ng gobyernong ito! Nabuking na nito ang huwad na mga patakarang pangkababaihan na nakabalangkas sa mapanlinlang na “Tuwid ng Daan”!

Ilusyon ang kanyang pagbibigay ng pang-ekonomikong kapangyarihan para sa kababaihan.

Sa kanyang ibinanderang “Gender-Responsive Economic Actions for the Transformation of Women” ay nagbigay ng ilusyon sa pagkakaroon ng pang-ekonomikong kapangyarihan para sa mga kababaihan (o women’s economic empowerment). Ang makitid na paraan ng “micro-enterprise development” ang naging tugon ng gobyerno sa lumalalang kalagayan ng kahirapan ng mga kababaihan. Hindi nito direktang tinugunan ang lumalaking populasyon ng mga naghihirap na kababaihan sa mga komunidad.  Sa loob ng apat na taon ay umikot lamang ito sa kakarampot na bilang na 14,000 women entrepreneurs na nakinabang sa buong bansa. Nagmistula itong isang maskarang tinapal para itago ang patakaran ng walang katiyakan sa trabaho at kawalan ng oportunidad sa pag-ahon ng mga kababaihan mula sa tumitinding kahirapan.

Sa taong 2013, umabot sa higit kumulang isang milyong kababaihan ang nadagdag sa tala ng mga walang trabaho (PSA, 2014). At sa kakarampot namang pinalad magkatrabaho ay hinayaang magtiis sa tila limos lang na Php 99.00 dagdag-pasahod. Ang bulnerableng kalagayan ng kababaihan sa gitna ng kahirapan ay kitang-kita sa lumalaking konsentrasyon nito sa informal  sector, kahit na sinasabing nagrerehistro ng 6.2% na paglago ng ekonomiya noong 2014, at nasa  5.2% (ngayong April 2015).

Ginamit na kasangkapan ang bulnerableng kalagayan ng kababaihan!

Patuloy ang pag-igting ng diskriminasyon sa kababaihan dahil sa papalaking agwat ng inekwalidad ng mayayaman at mahihirap. Ang kababaihan ay kabilang sa pinakamahirap, 25.6 percent noong 2012 (PSA, 2014), at nasa panglima sa hilera ng pinakamahirap  na sektor kasama ang mangingisda, magsasaka, kabataan, self-employed at unpaid family workers. Maging sa kalagitnaan ng kalagayang ito ay lalo pang pinagsasamantalahan ang kababaihan at itinuring na malaking mapagkukunan ng garantisadong kita ng mga higanteng negosyo tulad ng sa kuryente at tubig.

Ang bilyun-bilyong pisong ginasta sa “Programang Pantawid Pamilyang Pilipino “(4Ps) o Conditional Cash Transfer (na may kabuuang budget na Php 50 bilyon ngayong 2015 para sa 5 milyong benepisyaryo) ang kalakhang Php 1,200 na “cash grant” na nakukuha ng bawat benepisyaryo ay napupunta lamang pabalik sa pagbabayad ng patuloy na tumataas na gastos at bayarin tulad ng kuryente at tubig, pati na sa pagkain. Dumagdag pa sa kanilang pasanin ang mga gawaing pagtupad ng mga kondisyon bilang benepisyaryo, dahil sa tradisyunal na papel ng kababaihan bilang tagapangalaga ng pamilya. Ang mas malala, dahilan din ito ng mga insidente ng pambubugbog, kung hindi naintrega sa lalaking asawa ang nakuhang “cash grant”. Hindi rin kaila sa lahat na ang pondong ito ay mula sa utang ng gobyerno na may halagang $400 milyon (galing sa ADB) at $405 milyon (galing sa WB). Ang mga mamayang Pilipino at maging mga kababaihan din ang inaasahang patuloy na magpapasan ng pagbabayad sa utang na ito hangang taong 2035.

 

Hindi Prayoridad ang Pangangailangan ng Kababaihan.

Ipinakita rin ng Gobyernong Aquino ang tahasan nitong pagpapabaya sa pangangailangan ng kababaihan. Ang alokasyon sa badyet ng mahahalagang pampublikong serbisyo. Tulad ng edukasyon, hindi pa rin umabot sa 6% ng GDP ang dapat na ilaan alinsunod sa UNESCO, at kalusugan na hindi rin umabot pa 5% alinsunod sa World Health Organization Standards, mga batayan sa pandaigdigang panuntunan.

Ang bulnerableng kalagayan ng kababaihan ay nagsisilbing “panapal” ng programa ng gobyerno na may tahasang layuning gawing daan at koneksyon ng mga malalaking negosyo sa kanyang komunidad. Ngunit dahil sa kanyang positibong katangiang mapamaraan o pagiging madiskarte, nananatili siyang salalayan ng gobyerno para sa micro-financing projects nito. Nagsilbing daan ng mga malalaking dayuhang korporasyon, MNCs at TNCs para sa kanilang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa komunidad para matanggal ang mga hadlang sa direktang access nito sa mga sa rekurso (lupa, tubig, minahan, raw materials, etc.) ng komunidad.

Tulay din ang kababaihan para sa kagyat na merkado ng sektor ng pampinansya (financial sector) bilang taga-pangutang para sa pagtatayo ng maliliit na negosyo, lumalawak na papel niya bilang mamimili o konsyumer ng mga lumalaking pamilihan ng mga produkto nito.

Ginawang “panapal” ang kababaihan sa isang sistemang tuluyang nagbabaon sa kanya sa utang dahil sa pagpapabilis ng pribatisasyon ng mga esenysal na serbisyo, nagpalaki pa ng yaman ng kapitalista at pinabigat na pasanin ng kababaihan. Sa halip na inahon ito sa lumalalang kahirapan ay ginawa pa itong kasangkapan sa dagliang pantawid sa kanyang “Tuwid na Daan”.

Isang malaking pagyurak sa karapatan at dignidad ng mga kababaihan ang patuloy na paggamit sa kanya bilang “panapal” sa huwad na “Tuwid na Daan”.

 

Ipaglaban ang Karapatan ng Kababaihan para Kamtan ang Katarungang Pang-Ekonomiya!

 

Wakasan ang Elitistang Paghahari! Itakwil ang Neoliberal na Polisiya!

 

Itaguyod ang mga patakarang magbabago sa kalagayan at kahirapan ng Kababaihan!

 

 

Itaguyod ang Gobyernong Maka-Mamamayan at Maka-Kababaihan!

 

FDC Chapters

chapters