Ngayong panahon ng bagyo, ang mga kababaihan ay naghahanda para sa kaligtasan ng kanilang pamilya. Ngunit meron bang makakaligtas sa pinakamalakas na bagyong humagupit sa bayan? Kahit ang pinakamalakas na hagupit ng Super Typhoon Yolanda. 


Ang hagupit ng “Napoles Pork Barrel Scam” kasama ang iba pang nabubungkal na katakot-takot na kaso ng pangungurakot ay patuloy na yumayanig sa Pilipinas dahil sa katiwalian ng mga pinagkakatiwalaang senador at congressman, mga opisyales ng pamahalaan. Ang nadiskubreng pork scam ay patuloy na yumayanig, mas malakas pa sa tumama sa Bohol, at tinamaan ng Yolanda sa Visayas dahil sa idinudulot nitong paghahati sa mga sangay ng gobyerno, at nagpapatingkad ng vulnerableng kalagayan ng pamahalaan at bantang paglubog ng ekonomiya.

Ngunit sa gitna ng bagyong ito, lumalakas din ang pagkakaisa ng mga Pilipinong sawang-sawa na sa kababuyan at katiwalian, at namumuo ang mga pagkilos upang matuwid ang daan sa matinong paraan. 


Sa gitna ng nitong atrasadong pag-unlad, ay may pinakamasakit na tama ay sa kababaihan, kung saan ang pampublikong serbisyo ay patuloy na nasasakripisyo. Ang kababaihan, kahit tinuring na tagapaglikha ng pagkain (na kadalasan ay nakakaranas ng gutom) ay patuloy na sumisigaw ng katarungan at tumutuligsa sa papalaking bilang ng mahihirap, kahit malaki naman pala ang kaban yaman, dahil sa patuloy na pagnanakaw ng iilan. 


Ang kakabaihan ay nasusuklam sa bulok na sistemang pag-aaksaya ng malaking kabang yaman, samantalang patuloy ang pagtaas ng buwis at kung anu-anong pagpapataw ng iba’t iba pang buwis na pinapasa sa mamamayan, na nawawala lang naman sa kamay ng mga tiwaling tao ng pamahalaan. Nariyan pa ang pagtaas ng LPG at presyo ng kuryente na nagpapahirap sa marami na nating naghihirap na mamamayan.


Samantala, kakarampot at laging di sapat ang paglalagay ng pondo para sa edukasyon, kalusugan at pabahay sa taon-taong binubuo ang pambansang budget na kinakikitaan ng napalaking kakulangang at hindi pangunahin sa prayoridad ng pamahalaan. Ang pampublikong gastusin sa edukasyon ay 2.2% lamang ng GNP (noong 2012), napakalayo sa itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization’s (UNESCO) na 6% tuntungnan ng mga bansang umuunlad (developing countries). Ito ay katumbas sa Php 3.763 trillion kakapusan sa gastusing pang-edukasyon simula 1996, noong itinakda ng UNESCO ang ganitong pamantayan. 


Sa kabilang banda, ang pampumblikong gastusin sa kalusugan ay 0.35% ng GDP, na napakalayo pa rin sa pamantayan ng World Health Organization’s (WHO) na nakatakda sa 5% ng of GDP. Kung kaya’t magpahanggang ngayon, hanggang 60 porsyento lamang ng mamamayang Pilipino ang nakapagtapos ng secondary education. Idagdag pa rito ang estima ng National Housing Authority’s (NHA) na kakulangan sa pabahay na umabot sa 3,756,072 bahay mula 2001-2010, na nagkakahalaga ng halos Php 1.126T (P300,000/unit).


Ang kalakhan ng pondo para sa kaunlaran ng Pilipinas ay mula sa utang. Mula 2001 hanggang 2012, ang pagbabayad ng utang, kasama ang interest at prinsipal (principal amortization) sa loob ng Pambansang Budget ay umaabot sa 37.74%. Sa huling estima (June, 2013), ito ay nasa 23.9%. Kaakibat nito, ang debt service payments, o napupunta sa pagbabayad ng utang ng gobyerno ay nasa 63.55% ng (annual government revenues) na kabilang sa kabang yaman ng bayan. 


Sa ganitong kalagayan, di maiwasang magtaka at magtanong ang kababaihan, kung bakit walang maayos at walang sapat na pondo para sa pampublikong serbisyo. Kung bakit walang tunay na kaunlaran at hindi pinaglalaan mula sa kabang bayan, ang mga serbisyong dapat lamang ay nangunguna sa prayoridad ng gobyerno. Samantalang ang laki-laki pala ng nawawalang pera sa kabang yaman, dahil sa katiwalian. 


Kung kaya’t hindi na matitiis ng kababaihan ang ganitong kalagayan, hindi na mananahimik ang kababaihan sa nagaganap na pagnanakaw sa pamahalaan ng mismong mga namamahala nito. Kasama ang kababaihan sa pagsigaw ng katarungan, pagsingil ng hustisya at pagpapanagot sa mga nagkasala. Kasabay ng ganitong panawagan ay ang paghahanap ng tunay na katarungan at pagbibigay prayoridad  para sa serbisyong panlipunan!


ANG PANAWAGAN NG MGA KABABAIHAN…


SA GITNA NG HAGUPIT NG MGA KALAMIDAD, HUWAG PAHIRAPAN, PAG-IWANAN AT PABAYAAN ANG KABABAIHAN. HANAP NG KABABAIHAN, TUNAY NA KATARUNGAN AT PRAYORIDAD SA SERBISYONG PANLIPUNAN. HINDI PORK BARREL AT KABABUYAN SA GOYERNO!


December 6, 2013

FREEDOM FROM DEBT COALITION

WOMEN’S COMMITTEE

FDC Chapters

chapters