Kulang at hungkag ang sinabi ni Pangulong Aquino na buwagin na daw ang kinamumuhiang Priority Development Assistance Fund o PDAF sa harap ng matinding galit ng taumbayan sa pagpapasasa ng iilan sa “pork barrel”.

Mapanlinlang ang pahayag ni P-Noy. Tinutuligsa  niya ang mga abuso sa  pork barrel kaya 

minarapat na buwagin na raw ito, samantalang tikom  naman ang bibig niya sa ibang di  lantad na anyo nito. Mas masahol pa, maari patuloy na makipagtawaran pa rin sa kanya ang mga pulitiko tungkol sa kani-kanilang panukalang proyekto. Malinaw kung gayon, na ang pinto sa ibang anyo ng “pork barrel” ay nanatiling bukas.  


Limitado rin lang ang pagtuligsa niya sa naging resulta ng Special PDAF Audit para sa mga taong 2007-2009 at sa lumabas na panloloko ni Napoles. Ang PDAF ay nariyan na mula pa noong 1990 at nagpatuloy ito hanggang sa unang tatlong taon ng kanyang termino. Hindi sapat na imbestigahan lamang ang nangyari sa PDAF bago siya naging Pangulo; Dapat masuri din ang mga naganap sa ilalim ng kanyang gobyerno. Tamaan na ang tatamaan,  maging kaalyado man o kalaban sa pulitika ng administrasyon.


Nakalulula  at kasuklam-suklam ang  nabulgar na  sobrang-laki ng ninakaw na pera ng bayan. Ang nailantad na pang-aabuso ay larawan ng napakabulok na sistema ng pagbibigay at paggamit ng pork barrel at nagpatunay sa katiwalian sa buong sistema ng paglalaan ng badyet na sangkot  ang  buong gobyerno—mula sa pinakamataas na antas  hanggang sa lokal na pamahalaan. 


Marami na ngayong nasa Kongreso ang nasasangkot sa panloloko at pang-aabuso sa pork barrel.  Malaki ang posibilidad na marami pa ang madadawit. Hindi karapat-dapat, kung gayon na ang Kongreso mismo ang mag-iimbestiga sa sarili nito. Ang  mga tanggapan ng Commission of Audit at ng Ombudsman ay  inaasahang magsasagawa ng malaya, pantay at walang kinikilingang imbestigasyon. Nguni’t,  isusulong din natin ang pagtalaga ng isang  independyenteng lupon ng mga mamamayan na sasabay at magbabantay sa imbestigasyong isasagawa.


Ang magiging pagtutuos  at paniningil natin ay walang pasubali at lubusan. Inuulit ng Freedom from Debt Coalition (FDC) ang nauna nitong pahayag: Dapat mahiya ang pamahalaan sa kabiguan  nitong tugunan ang pangangailangan ng kanyang mamamayan sa edukasyon, kalusugan at pabahay. O ang kapalpakan nitong solusyunan ang lumalawak na kahirapan sa harap ng pagpapasasa ng iilan  sa kaban ng bayan at pera ng mamamayan.  


Dapat ibalik  ang mga ninakaw na pera ng bayan, at  dapat lang na bayaran ng pamahaaan ang napakalaking utang panlipunan nito sa mamamayang Pilipino— ang bawa’t  katumbas na piso na dapat sana inilaan sa maaayos na programa sa edukasyon, sa kalusugan at iba pang programang pampubliko na hindi natugunan ng gobyerno dahil sa mga pagnanakaw at pambayad ng mga ilehitimong utang nito. 


Habang  iniimbestigahan at sinasakdal ang mga kawatan,  kailangang ipatupad na rin ang malawakan at radikal na repormang pampulitika tungo sa tunay na matinong pamamahala na magtataguyod ng makabuluhang pakikilahok ng mamamayan. Nararapat na ring itulak ang pagsasabatas ng Freedom of Information Bill, Anti-Dynasty law at iba pang batas na maggarantiya ng tunay na participatory citizen budgeting”” sa lahat ng antas ng pamahalaan.

FDC Chapters

chapters