Mataas na GNP/GDP growth rate?  Mas malaking anti-poverty?  Ang CCT ay ibibigay sa lahat na ng “poor,” di lang sa “poorest of the poor.” SSS para sa mga “informal sector“; P18, 000 bawat “informal settler family” na idedemolis at ire-relocate at lahat na ay sasaklawin ng Philhealth.

Sa growth rate, excited ang nasa Ayala at Ortigas. Hindi tayo. Kahit sa anti-poverty ng gubyerno.  Bukas-makalawa kasi,  kanselado na yan ng bagong pagtaas ng presyo ng pagkain, pamasahe, renta sa bahay, bayad sa eskwela, gamot, koryente, tubig, at iba pa. Lalo na kung matanggal  sa trabaho o tapos na ang contractual job. May demolisyon pa. Bukod pa ang mga baha, tagtuyot at landslide.

Samantala, tuloy ang ligaya nina Manny Pangilinan, Ramon Ang, Ayala, Cojuangco, Razon, Lopez, Aboitiz, Henry Sy, Gokongwei sa pagkamal ng bilyones at paglamon ng iba’t  ibang negosyo.  Syempre, kasama nila ang  mga dayuhang global at regional  financing partners at kasosyong multinationals  na humahakot palabas ng kapital at yaman ng bansa.

Halos 30-38 porsyento ng total family income sa Pilipinas ay napupunta sa pinakamayamang isang porsyento ng mga pamilya.  Nitong 2011, 76.5% ng paglaki ng ating GDP ay katumbas  ng paglaki ng yaman ng 40 pinakamayayamang pamilya sa bansa. Tatlo sa apat sa  pinakamayayamang bilyonaryo ay hindi man lang kabilang sa top 500 taxpayers gayong  di makalusot sa withholding tax ang manggagawa at sa sales at iba pang tax ang masa.   

Nakatatlong taon na si P-Noy kanyang termino.  Hindi na pwede ang “business as usual.”  Inclusive growth ? Ang baba na nga ng “poverty line,” hindi pa rin nababawasan ang porsyento ng  mahirap mula 2006.  Pobre na nga tayo,  pobre pa rin ang gusto nilang pangarap natin.   Kalokohan na pag lumampas sa P 7, 821 (NSCB, 2012, national average) buwanan ang kita, maalwa na ang buhay. Dumadami pa ang 9 na milyong lumabas ng bansa para maghanap ng magandang buhay. Sila pa naman ang may  kaunting kaya,  skills,  at pinag-aralan.

Ang susi sa pag-ahon ng ating ekonomya ay ang ating mamamayan — aang pagdebelop ng kanilang buong kakayahan at pagkatao -  ang kanilang TOTAL HUMAN DEVELOPMENT.   Hindi foreign investments. Hindi foreign loans.

Hindi ito nangyayari dahil hindi pantay ang tayo, karapatan at  oportunidad sa kabuhayan, edukasyon, kalusugan, pabahay, koryente, tubig at recreation.

Hindi ito nangyayari dahil isinuko  ng gubyerno sa mga malalaking pribadong korporasyon at bangko ang kontrol at kumpas sa ekonomya,  pati mga  public utilities at services.   Primero ang Tubo kaysa  pag-unlad at kagalingan ng lahat.

Hindi ito nangyayari dahil ang mga komon na yaman ng bansa – lupa, katubigan, kagubatan, at mineral na yaman ay inaalis sa taumbayan at sinasaprobado sa kamay ng mga kapitalistang korporasyon.

Hindi ito nangyayari dahil ang tinatawag na demokrasya ay kubakob ng iilang oligarkong pamilya at dynasty.

Hindi nabasag ng liberalisasyon ang dominasyon ng mga monopolyo sa mga sangay ng  ating ekonomya.  Lalong tumindi ang monopolisasyon na lalong lumalamon, pumipigil o pumapatay sa mga  negosyong micro at small at medium.  Monopolyo sa lupa rin at monopolyo sa processing at trading sa agrikultura ang sagka sa reporma sa lupa at sumasakal sa maliliit na saka. Initse-pwera ang maliliit na mangingisda sa mga karagatan at malalaking ilog ng malalaking lokal at dayuhang kapitalista’. BAKLASIN ANG MGA MONOPOLYO!  REPORMANG AGRARYO!

Hinayaan ang  global na daloy ng kapital sa ating bansa, kabilang na ang utang,  ang magtakda kung ano ang idedebelop at ano ang hindi.  Walang tunay na plano ng development ang gubyerno. Nakatali pa  tayo sa mga trade agreements tulad ng WTO at AFTA.  Pinabayaan ang industriya at agrikultura gayong ito pa naman ang magbibigay ng malaking kabuhayan at empleyo sa ating mamamayan at revenues ng gubyerno para makapagsariling financing ng ating pag-unlad.  Sinapribado ang industriya ng koryente at sinusunod ang tubig kayat  bukod sa mataas ang energy cost ng produksyon,  hirap nang iplano ito para sa pambansang pagpapaunlad.   BUHAYIN ANG INDUSTRIYA AT AGRIKULTURA!

Ang angkla ng inclusive growth ni P-Noy ay maramihang trabaho.  Pero mga trabaho itong hindi regular at disente, kundi kontraktwal at impormal at mura ang paggawa. 60 % lang ang nakatapos ng high school at 10 porsyento lang ang tapos ng kolehiyo o  mataas na teknikal na edukasyon.   30% ng mga bata, 20%  ng mga teen-ager at 13% ng may-idad ay malnourished.  Apat na milyong  pamilya o  20 milyong tao ang walang maayos at siguradong pabahay.  Hindi kaya ng mababa ang kita ang mataas na bayad sa koryente at tubig at umiiyak na ang middle class sa pasaning ito.  TRABAHONG REGULAR AT MAY DIGNIDAD, PANTAY NA KARAPATAN AT OPORTUNIDAD SA EDUKASYON, KALUSUGAN, PABAHAY AT IBA PANG SERBISYO PUBLIKO!  ITIGIL ANG PRIVATIZATION NG SERBISYO PUBLIKO!  

Naging adik sa utang ang gubyerno para pondohan ang tinatawag niyang development at sarili itong operasyon.  Kapalit nito ay isinuko ang kalayaan ng bayan na gumuhit ng sariling direksyon sa mga kondisyones sa patakaran ng IMF-World Bank, Asian Development Bank, at mga bangkong komersyal at gubyerno ng mga malalaking kapitalistang bansa.  Kapalit nito ay ang malaking utang sa lipunan o social debt  sa mga serbisyong hindi mapondohan dahil kailangang unahin ang pagbabayad ng utang sa ilalim ng batas sa Automatic Approriations.

SA HALIP, DAPAT PAGYAMANIN ANG MAMAMAYAN, BUHAYIN ANG INDUSTRIYA AT AGRIKULTURA AT PAIRALIN ANG TAX JUSTICE PARA MAKAPAGPINANSYA NANG SARILI ANG PILIPINAS SA PAG-UNLAD AT MAILAGAY SA  TAMA ANG ANUMANG PANGUNGUTANG NA KAILANGAN.

Ikatlo sa pinakabulnerable na ang Pilipinas sa pinsala ng climate change.  Ang mahihirap,  katutubo, mga babae at mga bata pa rin ang mas nabibiktima nito.  Masaklap pa, ginagawang negosyo ng mga malalaking kapitalistang bansa at korporasyon ang pag-angkop sa climate change, paninda ang kalikasan at pagpapauntang sa mga mahihirap na bansa.  Itoy’ sa halip na akuin nila ang mas malaking responsibilidad ng adaptation at mitigation dahil sila ang mas malaking sumira ng klima at kapaligiran.  CLIMATE JUSTICE!  

Totoong may magandang panimula si P-Noy sa pagbaka sa corruption, partikular sa pambansang gubyerno.  Subalit para ito mapatagos sa buong gubyerno, kabilang ang Konggreso, mga lokal na gubyerno, militar, pulisya at mga korte, dapat mabaklas ang mga kanlugan ng corruption at elitistang paghahari  tulad ng mga political dynasty at warlords. Nakalulungkot na lalo lamang lumakas ang mga ito sa nakaraang eleksyon at nangibabaw sa mismong Team P-Noy.  GIBAIN ANG MGA DYNASTY AT WARLORD!

Mahirap magkatotoo ang tunay na pagbabago sa Pilipinas hanggat ang ating direksyon, mga patakaran at maging ang pagpili ng ating mga lider ay napapakialaman ng mga dayuhang kapangyarihan, lalo na ng US at mga international financial institutions tulad ng ADB at IMF-World Bank.  Hindi rin magtatapos ang mga gyera at armadong hatian sa bansa hanggat hindi natin naigigiit ang sariling kapasyahan para sa interes ng bayan at mamamayan.  SOBERANYA AT KAPAYAPAAN!

Maginhawang buhay na may dignidad ang pangarap nating mga Pinoy.  Hindi ang pobre pa ring buhay na nilalayon ng anti-poverty ni P-Noy. Sinayang ni P-Noy ang unang tatlong taon para ituwid ang ating landas sa ekonomya at gumawa sa pulitika ng mga pagbabagong tunay na babaon at magtatagal.  Sa halip, nagpabulag  siya sa mga hype ng mga international credit agencies, tulad ng Moody’s na humulang “break-neck speed” ang bilis ng paglago ng ekonomya ng Pilipinas.  Mababali lang lalo ang ating leeg kapag sumunod tayo sa kanilang adyenda.

Walang alternatibo sa pagbabago ng neo-liberal na direksyon at takbo ng ating ekonomya at pagwawasto sa maraming di pantay na instruktura ng ating lipunan.  Sobrang hirap at pasakit na ang dinanas ng bansa at ng mamamayan sa paulit-ulit na Lost Decades ng nakaraan.

Huwag na tayong pumayag sa panibagong Lost Decade at isa pang Lost Generation na ibubunga nito.

Freedom from Debt Coalition (FDC)
Focus on the Global South (FGS)
Kampanya Para sa Makataong Pamumuhay (KAMP)
Katarungan
Kilusan
NAGKAISA
Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK)
Partido Lakas ng Masa (PLM)
Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)
Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)
SANLAKAS
Task Force Food Sovereignty (TFFS)

FDC Chapters

chapters