Pahayag ng Kilusang KonTRAPOrk
(KILUSANG KONTRA TRAPO AT KONTRA PORK)
25 Agosto 2014

Isulong ang People’s Audit Initiative, People’s Initiative kontra Pork Barrel
at mga Batas laban sa Fiscal Dictatorship

25 Agosto 2014 Martsa-protestaSa gitna nang walang tigil na pagyanig sa Malacañang ng eskandalo sa pagkakabunyag ng talamak na korapsyong bumabalot sa gobyerno, isinusulong ng Kilusang Kontra Trapo at Kontra Pork (KonTRAPOrk) ang mahigpit na pagbabantay at pagtutol ng taumbayan sa mga kilos ng administrasyong Aquino at mga kasabwat nito sa Kongreso lalo’t nagbabadya ang planong baguhin ang Konstitusyon. Labag sa interes ng mamamayan ang anumang tangkang lalong ibukas ang ekonomiya sa kontrol ng dayuhan, bawasan ang kapangyarihan ng Kataastaasang Hukuman at palawigin pa ang termino ng presidente.

Huwag hayaang maging biktimang muli ng mga kasinungalingang nakabalot sa mga mabulaklak na islogan ng Tuwid na Daan. Nahubaran na ang mga ginintuang repormang ipinangako at ang mga ito ay napatunayang tanso. Kailanman, tanging nasa kamay ng mamamayan ang pagpili at paghulma sa daang tatahakin at pamamaraang gagamitin upang matamo ang kaginhawaan para sa lahat.

Kasabay ng pagtugis sa mga nagwaldas at nagnakaw sa pera ng bayan, hindi lang sina Pogi, Sexy at Tanda, umpisahan ang tunay na reporma at muling angkinin ng taumbayan ang kontrol sa pampublikong pondo. Kagyat na gawing tunay na demokratiko ang proseso ng pagtatakda ng pambansang budget at ng aktwal na paggasta nito. Simulan ito sa:

  • Pagtatayo ng Peoples Audit Initiative, bukod pa sa planong pagbubuo ng Komite sa Mababang Kapulungan, upang busisiin ang budget at paggasta ng pamahalaan kasama na at uunahin ang mga transaksyon sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program;
  • Pagsuporta at pagpirma sa People’s Initiative upangisabatas ang tuluyang pagbasura sa anumang uri ng pork barrel sa pambansang budget, kasama ang pondo ng presidente na walang detalye at nakasalalay ang paggasta sa kanyang personal na desisyon;
  • Pagbasura sa probisyon ng 1987 Administrative Code na nagtatakda ng awtomatikong paglalaaan ng pondo sa pagbabayad ng utang ng Pilipinas na hindi dumadaan sa pagsusuri ng publiko o ng Kongreso; at
  • Pagpukpok sa mga Kongresista na unahin ang pagsasabatas ng Savings and Augmentation Bill (HB 2256) na naglalayong linawin ang kahulugan ng “savings” at ng Budget Impoundment Control Bill (HB 2257) at Budget Reform Bill (HB 3128) na parehong babawasan ang labis-labis na kontrol o mistulang “fiscal dictatorship” ng Ehekutibo/Pangulo sa pambansang budget.

Ang boses ng mamamayan, kung ito nga ang pinakikinggan ni PNoy, ay matagal nang umalingawngaw at sinalamin ng kasalukuyang Saligang Batas ng Pilipinas. Ang kapangyarihan ng boses na ito ang dapat mangibabaw at hindi dapat malunod sa mga mapanlinlang na propaganda ng administrasyong naghahangad ikubli ang sariling katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ikulong ang LAHAT ng mga nagnakaw sa kaban ng bayan!

Ibasura ang LAHAT ng uri ng pork barrel!

Wakasan ang kontrol ng mga TRAPO sa pananalapi ng taumbayan!

FDC Chapters

chapters