Ika-pito sa pinakamahal sa buong mundo ang presyo ng kuryente para sa mga residential users sa Pilipinas samantalang ikatlong pinakamahal naman ang para sa industrial users sa bansa. Ito’y ayon sa pag-aaral na isinagawa ng First Generation Holdings Corp. na pag-aari ng mga Lopezes.

Sa inilabas na ulat ng Inquirer noong Marso 12, sinabi ni Federico Lopez, presidente at chief operating officer ng First Gen, na maibababa pa ang presyo ng kuryente para sa mga industrial users kung tatanggalin ang subsidyo sa mga residential users bagay na magdudulot ng pagtaas ng singil sa kuryente ng huli. May 63 sentimos kada kilowatthour diumanong subsidyong ibinibigay ang industrial consumers para sa mga residential users.

Sa ulat naman ng pahayagang Today, nagbabala ang Presidente ng Bangko Sentral ng Pilipinas na si Rafael Buenaventura sa hindi magandang epektong idudulot ng panukala ng First Gen na pagtaas ng singil sa kuryente sa residential users. Ang pribatisasyon raw ng Napocor ang susi sa pag-asa ng gobyernong maibaba ang presyo ng kuryente ganuon na rin ang napakalaking utang ng bansa.

Naniniwala naman ang Freedom from Debt Coalition na ang pagkansela sa mga mapandayang kontrata ng mga independent power producers ay magreresulta sa pagbaba ng presyo ng kuryente ganun na rin sa patuloy na lumalaking utang ng Napocor.

Noong 2003, umabot sa halos P1 trilyon ang utang ng Napocor sa mga kontrata nito sa mga IPPs. Halos katumbas na ito sa 25 porsiyento ng utang ng gobyerno. Samantala, patuloy na mahal ang kuryente sa bansa dahil sa patuloy na sinisingil sa mga konsyumer ang halaga ng kuryenteng nakontrata sa mga IPPs kahit hindi ito nagamit o nalikha, Kilala ang singil na ito dati bilang PPA o purchased power adjustment, subalit nang mabago ang hitsura ng electric bill, itinago na ang halagang ito sa generation charge.

Patuloy na nananawagan ang FDC na itigil na ang paniningil para sa kuryenteng hindi nagamit.

FDC Chapters

chapters