Binatikos ng Freedom from Debt Coalition (FDC) ang Maynilad Water Services Inc. hinggil sa ginawang pahayag nito na paninisi sa mga residente ng Tondo na diumano ang pangunahing may kagagawan sa naganap na pagkamatay ng apat katao at patuloy na paglaganap ng bilang ng biktima sa ibat ibang uri ng sakit mula sa kontaminadong tubig. Ito ay batay sa pahiwatig ng Maynilad na ito raw ay resulta lamang ng patuloy na ilegal na koneksyon at sirang mga tubo na ginagawa ng mga residente sa nabanggit na lugar ng Maynila.

Ngunit ayon naman sa FDC, “hindi pa man din lumalabas ang isang masusing imbestigasyon ay paborito naman talagang ikatwiran ng Maynilad ang sisihin ang mga konsyumer nito dahil sa tuwing magaganap ang ganitong trahedya ay madalas na ginagamit ang ganitong mga baluktot na katwiran. Katunayan, maging sa mayroong legal na koneksyon ay depektibo pa rin ang kalidad ng tubig nito tulad ng naganap sa Malabon, kung saan ay may dalawang itinakbo sa ospital dulot ng maruming tubig mula sa Maynilad nitong nakarang linggo."

Dagdag pa, “ito ay isang malinaw na palusot ng Maynilad sa kanila mismong mga kapabayaan laluna mula ng ihinto nito ang kanilang pagbabayad ng utang sa gubyerno bilang tanda ng kanilang intensyon sa maagang terminasyon ng kanilang kontrata sa pamahalan. Katunayan, mula noon ay hindi na ito gumagampan ng mga bagong proyekto upang kumpunihin ang mga sirang tubo at pagbibigay ng matinong serbisyo”.

Pangunahing responsibilidad ng Maynilad na tiyakin ang isang malinis at matinong serbisyo sa ilalim ng kontratang kanilang pinirmahan mula nang ipagkaloob sa kanila ng gubyerno na maging konsesyunaryo sa ilalim ng programang pribatisasyon.

Bukod sa panloloko ng Maynilad ay nandaraya din ito sa paniningil sa kanyang mga konsyumer sa west zone mula sa ilegal na pangongolekta ng Accelerated Extraordinary Price Adjustment (AEPA). Tinatayang mahigit apat na bilyong piso na ang nakokolekta nito sa kabila na noon pang Disyembre 2002 natapos ang paniningil dito. Samantalang mahigit limang bilyon naman ang utang nito sa gubyerno dahil sa hindi pagbabayad ng utang o ang tinatawag na concession fee na kinukuha nila mula naman sa Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA).

Kung pumapasan tayo ng PPA sa kuryente, ito naman ang sariling bersyon ng kapalpakan ng programang pribatisasyon sa industriya ng tubig – nagbabayad tayo ng isang bagay na hindi naman natin ganap at lubos na napapakinabangan.

Tama na! Sobra na! Itigil ang pandurugas sa taumbayan! Ihinto ang kaliwa’t kanang panloloko ng Maynilad – Ibalik sa kamay ng publiko ang buong responsibilidad upang pangasiwaan ang pagtitiyak ng tubig. Tubig ay Karapatan, Huwag gawing negosyo!

FDC Chapters

chapters