fdc women pix sona2014Ngayong Hulyo 28, 2014, muling magpapahayag ang Pangulong Benigno Aquino III ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).  Pang-limang SONA na ni Pangulong Aquino. Subalit,  wala pa ring katuparan ang kanyang mga ipinangakong kaalwahan mula sa kahirapan, lalo na sa mga kababaihan. Sa nagdaang apat na taong “TUWID NA DAAN” ng Gobyernong Aquino ay patuloy  lamang na nalalantad tuloy-tuloy na korupsyon, pandarambong sa kaban ng bayan, at pang-aabuso sa kapangyarihan. 

Ang Tuwid na Daan ni PNoy ay nauwi sa HUWAD NA PARAAN at DAAN! dahil sa kanyang pang-aabuso ng kapangyarihan, at sa baluktot na sistema ng Pork Barrel at DAP. Sa bawat inilipat na mga takdang alokasyon ng pambansang yaman sa kanyang mga piling proyekto at programa ay kagyat na kawalan ng pondo para sa benepisyo at esensyal na serbisyo ng kababaihan at mamamayan. Sa bawat alokasyon na kanyang ginalaw, marami ang nawalan ng benepisyo mula sa esensyal na serbisyo, kasama rito ang mayorya ng populasyon na kababaihan.  

Sa Huwad na Daan, Kababaihan ang Higit na Pumapasan

Sa hindi matuwid na paraan ng paggamit ng DAP (Disbursement Acceleration Program)  at maging sa tahasang pagpapatuloy ng baluktot na sistema ng PDAF ay naglantad sa tunay na anyo ng gobyernong  Aquino na trapo, elitista at hindi ma-kababaihan.  Sa bawat ginagalaw nitong pondo mula sa badyet para sa mga piling proyekto at korupsyon ay tuwiran namang pagkait nito ng gastusin para sa serbisyo’t kapakanan ng mamamayan at lalo na ng mga kababaihan. 

Matagal nang nagpapabaya ang gobyernong Aquinosa kanyang obligasyon sa mga kababaihan. Ang patuloy na kawalan ng sapat na pagtugon nito sa mga esensyal na serbisyo tulad ng sapat na  pagkain, kalusugan, edukasyon, disente at abot-kayang pabahay, murang kuryente at serbisyo sa tubig, ay higit na dumadagdag sa dati nang mabigat na pasanin ng  mga kababaihan. Lalong tumitinding dagok ito sa kababaihan dahil sa higit na pagkakatali  ng kababaihan sa mga gawaing pang-reproduksyon. 

Ang higit na masaklap ay inuuna pa ng gobyernong Aquino ang pagbabayad ng lomolobong utang kahit na hindi napakinabangan. Dahil sa “Automatic Appropriations on Debt Servicing“, uunahin pa nitong  bayaran ang utang kaysa maglaan ng pondo para tugunan ang mga esensyal na serbisyo para sa mga kababaihan at mamamayan. Ang taunang binabayarang buwis ay napupunta lamang dito at hindi ibinabalik bilang serbisyo sa mga kababaihan at sa mamamayan. 

Sa bawat pisong ipinambabayad sa utang at alokasyon mula sa kabang yaman ng bayan, ito ay pisong nawawala para sa kababaihan at mamamayan. Sa bawat pisong nilulustay sa “huwad na paraan”, ito ay katumbas na halaga nang pahirap sa kababaihan at mamamayan. Nung taong 2013, ang gobyerno ay may mahigit 32% sa interest payments na binayaran mula sa National Budget. Ngayong taon (2014) ang gobyernong Aquino ay naglaan ng P791.5 billion para sa “public debt servicing”.  Dahil dito, malaki ang kakulangan sa obligasyon ng gobyerno na pinapasan kababaihan:

  • Edukasyon – higit sa P 3.56T pagkakautang ng gobyerno, dahil 2.6 % lamang (nung 2013) ang porsyentong ng GDP na inilaan sa edukasyon, hindi man lang umabot sa kalahati ng 6% ng GDP na dapat ilaan sa edukasyon batay sa pandaigdigang standards alinsunod sa UNESCO; 
  • Kalusugan – higit sa P 4.8T pagkakautang ng gobyerno, dahil nanatilin lamang ito sa 4.4% (2013) at kapos pa sa nakatakdang 5% ng GDP na dapat inilalaan sa taunang badyet alinsunod sa World Health Organization (WHO) standards; Dahil dito, 70,000 bata (may edad na mababa sa limang taon) at higit sa 5000 kababaihang na nanganganak ang namamatay kada taon (ayon kay Sec. Esperanza Cabral sa kanyang ulat sa Reproductive Health Challenges ng UNFPA, 2013)
  • Pabahay – P1.43T ang pagkakautang ng gobyerno sa pabahay kung ang pagbabatayan ang housing backlog ay nasa 17.3 % percent o 30,870 increase ng pangangailangan ng pabahay nung 2012. Ang kasalukuyang ‘national housing backlog’ ay naitalaga sa mahigit 3.9 million units, na tataas pa sa rising to 6.5 million sa taong 2030, kung patuloy ang pagwawalang bahala ng gobyerno sa kanyang obligasyon, at mananatiling mababa pa sa 1% (.086) lamang ng GDP ang inilalaan para sa serbisyong pabahay ng bansa. 

Ang Huwad na Daan ay Kawalan ng Karapatan sa Pang-Reproduktibong Kalusugan 

Bagama’t naipasa na ang Reproductive Health Act (RA 10354) bilang batas, patuloy pa rin ang pagsasantabi sa karapatang pangreproduktibo ng kababaihan, na nagiging balakid sa pagkamit ng economic empowerment ng kababaihan. 

Ang kawalan ng kababaihan ng karapatang magpasiya para sa kanyang katawan ay dagdag lang sa napakaraming anyo ng diskriminasyon  sa kababaihan, tulad nang sa ekonomiya at trabaho.  Bagamat isinasaad sa batas ang pantay na karapatan ng babae at lalaki sa usapin ng oportunidad ng pagtatrabaho, pasweldo, proteksyon sa diskriminasyon sa hiring, nananatili pa rin ang mga balakid sa partisipasyon ng kababaihan.  Makikita  din ito sa kanayunan--  sa access at pagmamay-ari ng lupa, bahay at iba pang rekurso, pagsasanay at pag-unlad, at partisipasyon at paggawa ng desisyon sa usaping trabaho at ekonomiya. Noong 1998-2008 ang agwat sa partisipasyon ng kababaihan sa lakas paggawa ay 30%, pabor sa kalalakihan.  Bagamat may pagtaas kumpara sa ibang taon nanatiling mas mababa ang LPFR ng kababaihan (49.6%) habang ang sa kalalakihan ay (78.6%).  (Department of Labor, 2010) 

Ang Pilipinas ay kasama sa ilang bansa sa Gitnang Asya na may sobra pa sa 100 maternal mortality rate (MMR). Tayo ay may MMR na 162, kung saan 13 na kababaihan ang namamatay araw-araw mula sa komplikasyon ng panganganak na kung tutuusin ay magagamot naman kung may sapat na pagtugon sa maternal health. Ngunit ayon sa National Statistics Office (NSO) survey mas tumaas pa ang bilang ng namamatay dahil sa kumplikasyon ng panganganak mula sa 162 noong 2006 ngayon ay 221 (per 100,000) nung 2010, kung kaya’t bigo ang Pilipinas sa pag-abot ng layunin ng Millennium Development Goals o MDG sa maternal deaths.

Ayon sa pinakahuling datos, nasa higit 70,000 bata ang namamatay bago umabot sa edad na limang taon, may 5,000 kababaihang namamatay sa panganganak (maternal mortality). May higit sa 100,000 Pilipino ang namamatay taon-taon dahil sa mga sakit na madali sanang magamot (tulad ng tuberculosis at pneumonia) kung napaglaanan lamang ng akmang pondo. Idagdag pa rito ang mahigit 300,000 mamamayang Pilipino na namamatay dahil sa non-communicable diseases (NCD) taon-taon, ayon sa WHO (2013). Subali’t, sa bilang na 66 thousand physicians, 500,000 nurses at 74,000 midwives na rehistradong propesyonal ng sektor ng kalusugan, 3,000 physicians, 5,000 nurses at 17,000 midwives lamang dito ang nagtratrabaho sa pampublikong serbisyo at pasilidad. Ito ay katumbas ng 0.2 physicians, 0.4 nurses and 1.7 midwives per 10,000 population, o  may kabuuang 2.3 healthcare workers per 10,000 population. Ang ganitong bilang ay sampung beses na kabawasan sa rekomendasyon ng WHO na dapat ay nasa 24/10,000 para tumugon sa MDG ng maternal and child health. 

Ngayong nagpapatuloy ang krisis na may partikular na bigat sa kababaihan tila inutil ang gobyerno na proteksyunan ang kanyang mamamayan. Patuloy ang kahirapan ng mga kababaihan. Lantad na ang Kahuwaran ng Tuwid na Daan ng gobyernong Aquino. Dahil sa pang-aabuso ni PNoy ng kanyang kapangyarihan -- ang mga kababaihan ang higit na pumapasan nito. Ngunit hindi mananatiling tahimik ang kababaihan. Ang kababaihan ay patuloy na kumikilos upang tuluyang mahubaran ang huwad na pamamaraan at huwad na daan. Sigaw ng mga kababaihan:

SINGILIN, GOBYERNONG AQUINO. ILANTAD, HUWAD NA TUWID NA DAAN! 

GRADO NI AQUINO AY BAGSAK!!!

HUWAD NA TUWID NA DAAN NI PNoy, ILIGAL NA PDAF at DAP                               

Sa Kababaihan, DULOT AY MATINDING PAHIRAP!

SA HUWAD NA PARAAN AT HUWAD NA TUWID NA DAAN, KABABAIHAN ANG LAGING NAWAWALAN!

KABABAIHAN KUMIKILOS PARA SA BAGONG EKONOMIYA, BAGONG POLITIKA, BAGONG SISTEMA!

 

FREEDOM from DEBT COALITION (FDC)

Women’s Committee

FDC Chapters

chapters